At dahil hindi ko alam kung paano itutuloy ang pagmumuni ko, magkukwento na lang ako.
Meron daw isang lalake na namatay. Nasa tamang edad naman na siya noong kunin siya ni Lord kaya okay lang. Pagdating sa langit, nakaharap niya si Bro. Kinausap niya si Bro at nagreklamo. “Lord,” sabi niya, “bakit ka naman ganyan? Bakit hanggang kamatayan ko e hirap ako. Hikahos. Lagi naman akong nagsisimba. Kahit hindi araw ng Linggo, nagsisimba ako. Sinunod ko lahat ng utos mo. Nagsipag ako sa trabaho. Di ako sumipsip. Pero bakit hindi ganun kaginhawa ang buhay ko. Wala akong kotse. Tapos ang bahay ko ang liit lang. Tapos yung mga anak ko hindi man lang nakaranas kumain ng mga sobrang sasarap na pagkain. Pero yung kaibigan ko, tignan mo. Ang laki ng bahay. Ang daming kotse. E ni hindi ko nga madalas makita yan sa simbahan eh. Pag Linggo lang. Tapos siya mas okay ang buhay. Unfair naman Lord! Bakit ganun?”
“Sandali lang ah,” sagot ni Bro. Ipinasok Niya ang kamay niya sa bulsa at may inilabas na remote control. Tapos pumitik siya. At isang higanteng screen ang lumabas. “Ano yan Lord?” tanong ng lalake. “Buhay mo. Lahat ng nangyari sa buhay mo naka-record. At dahil patay ka na, tapos na. So rewind natin.”
Ni-rewind nga ni Lord ang buhay ng lalake. “Ooops. Ayan. Naalala mo ‘to?” tanong ni Lord.
“Yes Lord. College graduation ko yan. Kasama ko yung kaibigan kong sinasabi ko sa iyo na ang yaman.”
“O sige panoorin natin.”
Ito ang nangyari nung graduation:
“Tol, ngayong graduate na tayo, anong plano mo?” tanong ng lalake sa kaibignan. “Tol maghahanap kaagad ako ng trabaho. Di na ako magpapahinga. Gusto ko sa malaking kumpanya. Yung malaki ang kita. Kasi pare gusto ko ng malaking bahay. Yung mansyon! Tapos gusto ko rin ng maraming kotse. Ayaw ko lang ng isa. Gusto ko mga lima. Para may choice di ba? Tapos gusto ko mga anak ko masarap kinakain. Tsaka anytime dapat nakakakain sila. Tapos gusto ko nakakapag-abroad kami every summer. Yung ganun tol. Ikaw?”
“Ang ambisyoso mo naman! Wag ganun pare! Ako gusto ko simple lang. Tamang bahay lang. Tapos kahit walang kotse. Okay naman mag commute eh, sanay na ako. Tapos basta makakain lang tatlong beses isang araw okay na yun. Abroad? Gastos lang yun. Sa bahay na lang.”
“Ooops! Pause natin,” sabi ni Lord. “O ayan. Di ba sabi mo yan? Simpleng buhay lang. Binigay ko naman ah. Walang labis, walang kulang. So anong unfair dun?”
Kapatid, kung mangangarap ka, hindi pwedeng “Gusto kong magkaroon ng kotse.” Dapat “Gusto ko ng brand new na Volvo XC60, kulay black, tinted yung salamin, Goodyear yung gulong, at kumikinang yung mags.” Hindi pwedeng “Gusto ko ng bahay at lupa” dahil pag bahay-kubo ang binigay sa iyo, wag kang magrereklamo.
Ibibigay naman ni Bro ang mga gusto natin eh (basta’t hindi ito makakasama sa iyo at sa iba). Naniniwala ako dun. Magsabi lang tayo. Kaso ang problema, magsasabi na lang tayo sa Kanya, napaka-general pa.
So anong point ko? Eto: KUNG MANGANGARAP KA, DAPAT MALINAW. Dahil kung hindi, baka ibinigay na pala sa iyo yung pangarap mo e naghahanap ka pa. At imbes na magpasalamat, magrereklamo.
Malinaw ba? ^^,
by Ilaw Cruz
Manila Feaster
0 comments:
Post a Comment